MANILA, Philippines – Halos P200 milyon pondo ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) ang ibinulsa ni Bise Presidente Jejomar Binay upang pondohan ang kanyang pagtakbo noong eleksyon 2010, ayon kay dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado ngayong Huwebes.
Ipinaliwanag ni Mercado sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Subcommittee kung paano nakakuha si Binay ng P188,973,460 sa BSP.
Aniya nagkaroon ng joint venture agreement ang BSP at Alphaland noong 2008, kung saan dinevelop ang property ng samahan sa kalye ng Malugat sa lungsod ng Makati.
Sinabi ni Mercado, na dating BSP senior vice president, na siya raw ang pinapirma ni Binay sa kontrata.
Sa ilalim ng kasunduan kikita ang BSP ng 15 porsiyento mula sa proyekto, habang 85 porsiyento ang mapupunta sa Alphaland.
Dagdag niya na hanggan ngayon ay wala pang nakukuha ang BSP na tinatayang nasa P600 milyon dapat, habang si Binay ay nakatanggap na.
"Kinuhanan ni VP Binay ang five percent ng mga Boy Scouts sa Alphaland deal para gamitin niya sa kanyang kampaya noong 2010 election," pagsisiwalat ni Mercado.
"Ang Boy Scouts ay wala pa ring natatanggap ni singko hanggang ngayon. Pero siya po, kumita na, nagamit na, napakinabanggan na."
Sinabi pa ni Mercado na magtutungo siya sa Ombudsman ngayon upang magsampa ng kaso laban kay Binay.
"Naluto ang Boy Scouts sa sarili niyang mantika.”
Samantala, sinubukan din umano ni Binay na pigilan ang Commission on Audit na masilip ang pondi ng BSP.
Aniya nagpadala si Binay ng liham sa COA noong Nobyembre 26, 1999 at snabing hindi dapat ma-audit ang BSP.
"He argued that the Boy Scouts is detached from government," ani Mercado.
Nakapag-audit ang COA sa BSP noong 2012 matapos ideklara ng Korte Suprema na nasa ilalim ng gobyerno ang samahan.