MANILA, Philippines - Desperado na umano sa paninira laban kay Vice President Jejomar Binay ang ilang senador na nagsisiyasat sa Makati City Hall Building 2 dahil matatapos na ang palugit para sa pagsasagawa nila ng mga pagdinig hinggil dito.
Ito ang pahayag kahapon ni United Nationalist Alliance (UNA) interim secretary JV Bautista na nagsabi pa na nalantad na merong kinikilingan sina Senators Antonio Trillanes IV, Alan Peter Cayetano at Koko Pimentel nang magbanta silang ipapa-contempt sina Makati Mayor Junjun Binay at iba pang mga opisyal ng lunsod habang pinapayagang magpahayag ng sinumpaang kasinungalingan ang dating vice mayor ng Makati na si Ernesto Mercado at iba pang testigo laban sa Bise Presidente.
“Wala na silang ibang maiparatang laban sa Bise Presidente kaya nagbabanta na lang silang ipa-contempt si Mayor Binay. Wala na ba silang (mga senador) ibang magagawang maganda bukod sa pagsasayang ng pera ng taumbayan para maisulong ang kanilang ambisyong maging presidente sa 2016,” dagdag ni Bautista.
Ayon pa kay Bautista, eksaherado, balu-baluktot at kasinungalingan ang mga pahayag nina Mercado at ng isa pang testigong si Renato Bondal na pawang produkto umano ng kathang-isip.
Pinuna ni Bautista na ilang beses nang nagsinungaling sa korte sina Mercado at Bondal pero hindi man lang sila sinita ng mga senador at tinanggap pa ang mga ito sa Witness Protection Program (WPP) alinsunod sa rekomendasyon ni Senate President Franklin Drilon.
Binabanggit din ni Mercado na lulan siya ng helicopter na kumuha ng litrato sa Rosario property. Wala ang pangalan niya sa flight manifest pero naroon ang mga staffer nina Cayetano at ng pinsan ni Mercado na si Ariel Olivar.
“Malinaw na ang pagdinig sa Enero 22 at sa nagdaang ibang mga pagdinig ay bahagi ng organisadong hakbang ng mga kaalyado ng administrasyon na wasakin ang kredibilidad ng Bise Presidente. Anumang makasariling imbestigasyon at pekeng pagbubunyag ay hindi makakasira sa magagandang bagay na nagawa ng Bise Presidente,” dagdag pa ni Bautista.
Ayon pa sa kanya, ang bantang contempt laban kina Mayor Binay ay larawan ng desperasyon nina Mercado at ng mga senador. (Butch Quejada)