MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Parañaque Congressman Gus Tambunting sa Commission on Elections (Comelec) na idiskuwalipika ang Spain-owned technology provider na Indra Sistema sa P2 bilyong pisong bidding para sa automation ng 2016 national polls dahil lumabag umano ito sa ilang preconditions ng Philippine procurement law.
Sinabi ni Tambunting na nabigo ang Indra Sistemas na tuparin ang lahat ng requirements para maging kuwalipikado sa public bidding ng Comelec para sa lease ng karagdagang 23,000 Optical Mark Reader (OMR) units na gagamitin sa halalan sa susunod na taon.
Naunang nagsumite ang Indra Sistemas at Smartmatic-TIM ng kanilang Eligibility Requirements and Initial Technical Proposals para sa 23,000 OMR machines.
Ang OMR voting machines, tulad ng PCOS, ay nag-i-scan ng mga balotang ipinapasok dito. Ito rin ang bumibilang ng mga boto. Sa kaso ng nakaraang automated polls, ang mga botante ang nag-shade ng oval sa tabi ng pangalan ng kanilang piniling kandidato.
Kailangan ng Comelec ng 23,000 additional OMR machines para idagdag sa 82,000 PCOS machines na ginamit noong 2016 polls.
Gayunpaman, sinabi ng mga abogado ng Smartmatic sa Comelec-Bids and Awards Committee (BAC) na nabigo ang Indra na magsumite ng mga katibayan na nakahawak na ito ng malaking kontrata na katulad ng precinct-based optical mark reader o OMR project ng Comelec.
Una rito sinabi ni Atty. Ruby Rose J. Yusi, lead counsel ng Smartmatic na walang record ang Indra na nakahawak na ito ng kontrata para sa precinct-based OMR sa loob ng nakaraang 10 taon na tutugon sa requirement na “50 percent of the ABC of the OMR project.”