MANILA, Philippines – Itinakda ng Department of Education (DepEd) sa darating na Enero 31 ang early registration ng mga batang papasok sa kinder at grade 1 sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Ayon kay DepEd Secretary Armin Luistro, layunin nilang makakuha ng maagang impormasyon kung gaano karami ang mga estudyante na ngayon pa lamang papasok sa paaralan upang magawan kaagad ng solusyon sa posibleng suliranin na kanilang kakaharapin sa pagbubukas ng school year 2015-2016.
Sinabi ni Luistro, nais niyang matuldukan na ang kakapusan ng mga silid-aralan, silya at libro na siyang palagiang sumasalubong sa mga estudyante sa tuwing nagbubukas ang pasukan ng klase.
Sa pamamagitan ng early registration ay makukuha nila kung ilan o gaano karami ang mga mag-aaral na madaragdag sa kanilang listahan mula sa mga bayan, munisipalidad, lungsod at lalawigan sa buong bansa.
Kabilang sa target ng DepEd ang mga batang 5-taong gulang na papasok sa kinder at 6-taong gulang na papasok naman sa grade 1.
Hinimok ng kalihim ang mga magulang na makiisa sa itinakda nilang early registration.