MANILA, Philippines – Inamin ng Malacanang na hindi umabot ang magiging regalo sana ng gobyerno kay Pope Francis sa pagbisita nito sa bansa na pagkakaloob sana ni Pangulong Benigno Aquino III ng executive clemency sa mga preso, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Sinabi ni Sec. Coloma sa media briefing sa Villamor Airbase, hanggang sa ngayon ay nirerebyu pa rin ng tanggapan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) upang bigyan ng executive clemency.
“Nasa Office of the President, nire-review ‘nung ODESLA, ‘yung (Office of the) Deputy Executive Secretary for Legal Affairs, kasi siyempre on the merits ‘yon e. Hindi naman puwedeng perfunctory ‘yung ano, na dahil merong occasion. They’re doing completed staff work kumbaga, due deligence talaga para tiyakin na equitable, fair at just ‘yung magiging desisyon ng Pangulo,” wika pa ni Sec. Coloma.
Aniya, pinag-aaralang mabuti ang inirekomenda para mapagkalooban ng executive clemency ni Pangulong Benigno Aquino III at hindi naman ito minamadali.
“Well, isang pananaw kasi ‘yon na dahil may occasion pero kung titingnan niyo from the standpoint of the decision maker, occasion or no occasion, ang pinaka-criterion pa rin dapat ay ‘yung katarungan at ‘yung pambansang interes. Kasi kung ang magiging primary consideration is the occasion, parang mababawasan yata ‘yung objectivity doon. So, parang for the occasion, sige madaliin na, piyesta na, matatapos na ‘yung piyesta dapat maganap na. Hindi talaga ganoon ang pananaw ng Pangulo sa pagdedesisyon sa mga mahahalagang bagay at mahalagang bagay din ‘yung pagbibigay ng patawad dahil iisa lang siyang puwedeng maggawad ‘non. Kaya sana maunawaan ng ating mga kababayan dahil nga medyo gahol sa panahon. Ayaw din naman na magkaroon ng ommission or error in judgment. In due time kapag natapos na ‘yung pagsusuri, nakumpleto ‘yung staff work na kinakailangan ay aaksyon naman ang Pangulo sa bagay na ‘yan,” dagdag pa ni Coloma.