“I am very, very Happy!
MANILA, Philippines – Ito ang binitiwang salita ni Pope Francis kay Pangulong Benigno Aquino III bago umalis ito kahapon ng umaga pabalik sa Roma.
Sinabi ni Pangulong Aquino, tuwang-tuwa ang Santo Papa sa mainit na pagtanggap ng mga Filipino sa kanyang 5-araw na pagbisita sa bansa.
“So tuwang-tuwa siya doon sa hospitality na ipinakita. Damang-dama daw niya ‘yung warm. Well, inulit-ulit niya ‘yung pasasalamat sa sambayanan na talagang ikinatuwa niya talaga iyong init ng pagsalubong sa kanya,” wika pa ni Pangulong Aquino sa ambush interview matapos nitong ihatid ang Santo Papa sa Villamor Airbase kahapon ng umaga.
Bandang alas-10:11 ng umaga ng umalis ang Santo Papa lulan ng special flight ng PAL Airbus 340 patungong Roma matapos ang 5-araw na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas.
Naunang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na bagama’t ‘pagod’ si Pope Francis ay nangibabaw pa din dito ang tuwang nadama ng makita ang may 6 na milyong deboto na dumalo sa misa kamakalawa sa Quirino Grandstand kahit bumubuhos ang ulan.
Nagpasalamat din sina Cardinal Tagle at PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. sa ginanap na media briefing sa sambayanang Filipino dahil sa ipinamalas nitong pakikiisa upang maging matagumpay ang pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas sa loob ng 5-araw.
Kabilang si Vice-President Jejomar Binay at miyembro ng Gabinete ni Pangulong Aquino at opisyal ng Simbahang Katoliko ang naghatid sa Santo Papa kahapon ng umaga.
Ang crew ng PAL special flight ay sina Captain Manuel Antonio Tamayo at Captain Eric Isaac ang piloto ng eroplano kasama rin sina First Officers Marlowe Valencia at Anthony Atendido at 11 pang cabin crews ang kasama sa biyahe ni Pope Francis , 40 miyembro ng delegasyon ng Vatican at iba pa.
Muling nagsagawa ng motorcade ang Santo Papa mula sa Apostolic Nunciature sa Taft Ave., Maynila hanggang sa Villamor Airbase upang masilayan ng mga debotong Katoliko si Pope Francis bago ito umalis ng bansa.
Nagpasalamat naman sina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle at PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. sa taumbayan para sa matagumpay na 5-day papal visit sa Pilipinas.
Itinuring ng Vatican na ‘history’ ang 6 na milyong dumalo sa misa na pinangunahan ni Pope Francis sa Quirino Grandstand sa kabila ng malakas na pag-ulan kamakalawa.
Nagdaos pa ng misa si Pope Francis noong Sabado sa Tacloban City kahit kalakasan ng ulan at hangin ni bagyong Amang dahil ito ang pangunahing layunin ng pagdalaw nito sa bansa upang makasama ang mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ayon sa mga Katoliko, mula nang dumating noong Enero 15 hanggang sa umalis si Pope Francis kahapon ng umaga ay hindi nawala ang ngiti ng Santo Papa na larawan ng kanyang katuwaan sa mainit na pagtanggap ng mga Filipino sa pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika.
Si Pope Francis ang ikatlong Santo Papa na dumalaw sa Pilipinas kung saan ay unang dumalaw dito si Pope Paul VI noong 1970’s na sinundan ni Pope John Paul II noong 1981 at 1995. (May dagdag na ulat ni Doris Franche-Borja)