MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 6 na milyon ang crowd estimate ng pilgrims na nagtungo sa Luneta para sa concluding mass ni Pope Francis sa kaniyang 5-araw na pagbisita sa Pilipinas, ayon sa Manila Police District.
Ito’y bukod pa sa milyon din kataong nakakalat sa kalyeng dinaanan ng Pope convoy sa pagtungo nito sa University of Sto. Tomas kahapon ng umaga, at ang pagbalik sa Apostolic Nunciature sa Taft Ave. para mananghalian at magpahinga hanggang sa muling bumiyahe patungo sa Quirino Grandstand, sa gitna ng pagbuhos ng ulan.
Sakay ang Santo Papa ng jeepney design na Popemobile at nakasuot ng kapoteng dilaw.
Ang Misa para sa Poong Sto. Niño ang ginamit dahil nagkataong kasabay ng final mass ang araw ng Pista nito sa Tondo, Maynila. Mapapansin na ang mga taong nagsitungo ay may dala ring mga imahe ng Sto. Nino at rosaryo gaya ng naging paalala ng CBCP.
“Now, at the end of my visit to the Philippines, I commend you to him, to Jesus who came among us as a child. May he enable all the beloved people of this country to work together, protecting one another, beginning with your families and communities, in building a world of justice, integrity, and peace,” ani Pope Francis sa kaniyang homiliya.
Nabatid na Sabado ng gabi pa lamang ay halos puno na ng tao ang Quirino Grandstand at paligid ng Luneta kaya’t kahapon (Linggo) ay halos mapuno naman ang lahat ng kalye sa paligid ng Luneta para sa pagpila sila ay papasukin sa bisinidad ng Quirino Grandstand.
Naging mahigpit naman ang seguridad na ipinatupad ng mga pulis sa lugar at bawat taong nais dumalo sa pagtitipon ay kinailangan munang dumaan sa scanner.
Pasado alas 5:00 ng hapon nang matapos ang masiglang banal na misa.