MANILA, Philippines – Nag-landfall na ang bagyong Amang kahapon ng alas-3 ng hapon sa Dolores, Eastern Samar.
Alas-5 ng hapon, ang bagyo ay namataan ng PAGASA sa layong 60 kilometro hilaga hilagang silangan ng Borongan City, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na 100 kilometro kada oras (kph) at may pagbugso ng 130 kph. Si Amang ay kumikilos pahilagang kanluran sa bilis na 19 kph.
Dahil dito, isinailalim na sa signal no. 2 ang 14 na lugar sa bansa kabilang ang Catanduanes, Albay, Camarines Sur, Camarines Norte, Southern Quezon, Polillo Island, Sorsogon, Masbate, Burias Island at Ticao Island sa Luzon gayundin sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar at Biliran sa Visayas.
Signal no. 1 naman sa 19 lugar kasama ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Batangas, Bulacan, Nueva Ecija, Aurora, Quirino, Isabela, nalalabing bahagi ng Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, Romblon sa Luzon gayundin sa Leyte, Southern Leyte, buong Northern Cebu, Bantayan Island at Camotes Island sa Visayas.
Ngayong Linggo ng hapon, si Amang ay inaasahang nasa silangan ng Infanta, Quezon at sa Lunes ng hapon ay nasa Aparri, Cagayan.