MANILA, Philippines – Muling pinatunayan ng mga Filipino lalo na ng mga taga-Leyte na hindi matitinag ng kahit anong bagyo ang kanilang katatagan at pananampalataya.
Sa pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban at sa Palo, Leyte, hindi inalintana ng libo-libong nag-abang sa pagbisita ng Santo Papa ang walang patid na buhos ng ulan at malakas na hanging dala ng bagyong Amang.
Nagbunyi ang mga nag-aabang sa airport sa paglapag pa lamang ng eroplanong sinasakyan ng Santo Papa at lalong lumakas ang kanilang sigaw at pagbubunyi nang bumaba at mag-ikot sakay ng popemobile ang pinakamataas na lider ng Simbahang Katolika.
Muling nagbalik sa alaala ng mga survivors ang bangungot ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8, 2013 kung saan ang lugar na pinagmisahan ni Pope Francis ay nagsilbing ‘ground zero’ dahil sa anim na talampakang taas ng tubig na kumitil sa libu-libong katao.
Matapos ang motorcade ay nakisalo sa pananghalian ang Santo Papa sa 30 Yolanda survivors ng Samar at Leyte. Gumamit umano ng simple at lumang utensils ang Papa nang siya ay kumain.
Kabilang sa pananghalian nito ang sinabawang hipon, steamed lapu-lapu, litson, chicken inasal at adobo.