MANILA, Philippines - Umaabot sa 15,000 sundalo at pulis ang idedeploy kaugnay ng nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban City at Palo, Leyte ngayong Sabado (Enero 17).
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., nasa 7,000 sundalo mula sa Army’s 8th Infantry Division (ID) at mga reservist ang mangangalaga sa seguridad ni Pope Francis.
Ang Santo Papa ay magdaraos ng misa sa Tacloban City at makakasalo sa pananghalian ang mga survivors ng supertyphoon Yolanda sa bayan ng Palo.
Samantala, nasa 8,000 pulis ang nakatalagang mangalaga sa Santo Papa, 5,000 sa motorcade; 2,000 sa Misa habang 500 naman sa Palo Cathedral; 300 sa Pope Francis Center at 200 para magsagawa ng checkpoint.