MANILA, Philippines - Hinimok ni DILG Sec. Mar Roxas ang mga dadagsa sa isasagawang misa ni Pope Francis sa Quirino Grandstand na huwag maninigarilyo.
Ang panawagang ito ay kasabay sa idinaos na security briefing bilang paghahanda sa final mass sa Quirino Grandstand sa darating na Linggo.
Dapat aniya na ituring ang venue bilang ‘place of worship’ tulad ng gawi sa anumang uri ng simbahan, kahit isang pampublikong lugar ang Quirino Grandstand.
Kahit isang araw lamang umano ay isakripisyo na ang paninigarilyo tulad ni Pangulong Aquino na iiwasang manigarilyo sa Linggo, ani Roxas.
Inaasahang humigit kumulang sa 5-milyon ang magtutungo sa misa na isasagawa alas-3:30 ng hapon hanggang alas-6:00 ng hapon.
Alas 6:00 pa lamang ng umaga ay bukas na sa publiko ang itinayong entrance points sa Ma. Orosa st., kung saan dapat pumila papasok ang mga dadalo sa misa. Dadaanan nila ang may 30 walkthrough metal scanners, habang may mga pulis din na itinalaga para sa hand-held scanners para sa ikabibilis ng body search.