MANILA, Philippines – Inatasan ng 3rd Division ng Sandiganbayan ang prosekusyon at depensa na pabilisin ang kanilang pre-trial conference sa kasong plunder at graft ni suspended Sen. Juan Ponce Enrile upang mapasimulan na ng graft court ang pormal na pagbusisi sa naturang kaso.
Pangalawang beses na itong giniit ng Sandiganbayan sa magkabilang panig mula noong Agosto 2014 dahil manipis na ang kanilang pasensiya hinggil sa naturang kaso.
Sinasabing mabagal ang proseso ng pagbusisi sa kaso dahilan na rin sa mga pagmamarka sa mga dokumento na naipe-prisinta ng magkabilang panig sa graft court kaugnay ng naturang kaso.
“There is a great possibility that the pre-trial conference will be terminated by October or November 2015, at the earliest. It won’t be good for the accused... We want the pre-trial conference to be terminated by the first week of February,” pahayag ni Associate Justice Samuel Martires.
Ang pre-trial conference ay isang mandatory off-court meeting ng prosekusyon at depensa para markahan ang mga ebedensiya, kontrahin ang mga impormasyon, tututol sa mga ebebensiya, pag uusapan ang order of trial at ang posibleng plea bargaining deal at iba pang usapin na makapagpapabilis sa pagbusisi sa kaso.
“Pabilisin natin ang proseso na pwede namang gawin, kasi the mere fact that the person has a case is enough reason to raise his blood pressure that might lead to heart attack. It is your clients that this court is concern of,” dagdag ni Martires.
Si Enrile ay patuloy na naka-hospital arrest sa PNP hospital dahil sa kasong plunder at graft may kinalaman sa paglalaan ng kanyang PDAF sa pekeng NGO ni Janet Napoles para makakuha ng kickback.