MANILA, Philippines – Hinamon kahapon ng United Nationalist Alliance si Senador Alan Peter Cayetano na ilantad ang mga detalye sa limang buwan niyang television advertisement na nagtatampok sa senador.
Sinabi ni UNA Interim President Toby Tiangco na dapat ipahayag ni Cayetano kung sino ang nagpondo sa produksyon at placement ng 15/30 seconder TV spot nito sa primetime.
“Sino ang nagbabayad para sa mga advertisements ni Sen. Cayetano? Bakit bigla siyang nanahimik sa pagtitili noong naungkat na ang mga ads niya?” tanong ni Tiangco. “Kung sinasabi niya na transparent siya sa lahat ng kanyang ginagawa, hinahamon namin siyang ilantad ang pangalan ng tao o organisasyon na nagbayad para sa kanyang advertisement. Isama na rin ang full cost ng production at placements ng advertisements na ito na lumabas sa mga leading networks at prime time pa.”
Ipinagtaka rin ni Tiangco kung bakit biglang nanahimik si Cayetano at hinayaang magsalita para rito ang chief of staff nitong si Shellah Mae Famador.
“Kung sinasabi nilang hindi gobyerno ang nagbayad, bakit ayaw magladlad kung sino ang nagbayad? Kung wala siyang tinatago, sabihin niya kung siya ba ang nagbayad at kung magkano na ang inabot magmula noong nagsimulang lumabas ang mga TV ads niya?” hamon pa ni Tiangco.
Sa pagtatangkang ipagtanggol ang hindi maipaliwanag na P500 milyong advertising budget ng kanyang boss, ibinaling umano ni Famador noong Biyernes ang usapan sa pagdinig sa Makati.
Iginiit ng kongresista na ginagamit ni Cayetano ang pagdinig sa Makati para isulong ang presidential ambition nito at ang intensyon ng imbestigasyon ng Senado ay hindi in aid of legislation dahil ang mga akusasyon ay nararapat na isalang sa korte alinsunod sa batas at hindi sa Senado.
Pinuna pa ni Tiangco ang maling advertising ni Cayetano sa Taguig sa gitna ng mga ulat at resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit hinggil sa kuwestyonableng overpricing, missing inventories, ghost employees, at overpayments sa Taguig.