MANILA, Philippines – Niyanig ng magnitude 6.0 na lindol ang Zambales na naramdaman din sa ilang bahagi ng Luzon partikular sa Metro Manila kahapon ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs), naganap ang lindol alas- 3:32 ng madaling araw kung saan ang sentro nito ay nasa 30 kilometro sa hilagang silangan ng San Antonio, Zambales.
Naramdaman ang intensity 5 na lindol sa San Antonio, Botolan, Subic, San Felipe at San Narciso, Zambales at Olongapo City; Intensity 4 sa Pateros City; Pasig City; Manila City; Quezon City; Makati City; Parañaque City; Malabon City; Pasay City; San Mateo, Binangonan at Montalban Rizal; Hagonoy at Obando, Bulacan; Dagupan City; Lingayen, Pangasinan; Indang at Kawit, Cavite; Bacolor, Angeles City at Clark sa Pampanga; Mariveles, Bataan; Pakil at Los Baños, Laguna.
Paiwanag ng Phivolcs, ang intensity 4 na may katamtamang lakas ay karaniwang nararamdaman ng mga taong nasa loob at labas ng kanilang bahay o ang mga taong kaiidlip pa lamang.
Ang Intensity 3 ay naramdaman sa Tagaytay City; San Miguel, Tarlac; Baler, Aurora; Gapan, Nueva Ecija; Santa Barbara, Pangasinan; habang Intensity 2 sa Baguio City at Batangas City; Puerto Galera at Oriental Mindoro.
Gayunman, tectonic lamang ang origin ng lindol na may lalim na 48 kilometro.
Wala naman anyang nasawi o nasirang ari-arian sa nasabing lindol, pero inaasahan na ang mga aftershocks mula sa mga naapektuhang lugar.
Samantala, naramdaman naman ang magnitude 4.2 na lindol sa Davao Occidental ganap na alas 4:12 ng madaling araw na ang sentro ay natukoy may 74 kilometro sa hilagang silangan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental. Habang magnitude 2.3 na lindol sa San Antonio, Zambales at magnitude 2.5 sa silangan ng Don Marcelino, Davao Occidental.
Ang pagyanig ay tectonic ang origin na may lalim na 15 kilometro. Wala ring iniulat na nasirang ari-arian dito.