MANILA, Philippines – Sa gitna ng pagkakasibak sa trabaho ng isang nurse sa Singapore dahil sa inilagay niyang comment sa kanyang Facebook status, muling nagpaalala kahapon ang Malacañang lalo na sa mga kabataan na mag-isip sa mga inilalagay sa social media.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang paalala nila ay para sa lahat bagaman at maging sa mga kabataan na nagtatrabaho na sa gobyerno na ang inilalagay nila sa social media ay maaring kumalat kahit pa para lamang ito sa kanilang mga kaibigan.
Sa FB account ng isang Edz Bello sinabi nito na losers ang mga taga-Singapore at ipagdarasal pa umano nito na magkaroon ng disasters sa nasabing bansa.
“We will evict all SG loosers (sic) out of their country hahaha. The best part, I will be praying that disasters (sic) strike Singapore and more Singaporeans will die then I will celebrate. REMEMBER PINOY BETTER AND STRONGER THAN STINKAPOREANS,” bahagi ng kumalat sa internet na post ni Bello.
Kaugnay nito, sinabi ni Valte na dapat maging maingat ang lahat at maging sensitibo sa ibang tao lalo na sa paglalagay ng mga larawan at mga status messages.