Pulitiko ‘wag epal kay Pope Francis - Sotto
MANILA, Philippines - Marapat lamang na dumistansiya ang mga pulitiko at hindi umepal sa pagdating ni Pope Francis lalo na yong mga nagbabalak na kumandidato sa mas mataas na posisyon sa 2016 presidential elections.
Ito ang sinabi kahapon ni acting Senate Minority Leader Vicente Sotto matapos makiusap ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga pulitiko na huwag samantalahin ang pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas.
Sinabi ni Sotto na sinasadya man o hindi, dapat dumistansiya ang mga pulitiko upang hindi rin mapagbintangan na ‘umeepal’ o pumapapel.
Kahit pa si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ay nagpahayag na susunod rin sa panawagan ng CBCP.
Sinabi ni Cayetano na espesyal at “sacred event” ang pagdalaw ng Santo Papa at hindi dapat haluan ng pulitka.
Pero kung may imbitasyon umano na makakarating sa kanya, hindi niya ito tatanggihan.
“Of course kung may iimbitasyon, sino ba naman sa atin ang ayaw na makamayan, na makita ang pope,”ani Cayetano.
Samantala, inihayag naman ni Sen. Sergio Osmeña na nais niyang makita kahit man lamang ang pagdaan ng sasakyan ng Santo Papa.
Pero sang-ayon din ito na dapat dumistansiya ang mga pulitiko at maging ang mga mayayaman dahil magtutungo umano dito sa bansa ang Santo Papa para sa mga maralita at mga naging biktima ng bagyong Yolanda.
“Hindi lang politicians, lahat ng mayayaman,” ani Osmeña.
- Latest