MANILA, Philippines – Sinisi kahapon ng Malacañang ang pagtaas ng bilang ng HIV/AIDS cases noong nakaraang taon dahil sa pagkabigo ng mga biktima na mag-practice ng ‘safe sex’.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi nagpabaya ang gobyerno sa pagpapatupad ng kampanya nito laban sa HIV/AIDS.
Ayon kay Sec. Lacierda, inulit ng Department of Health na tumaas sa humigit kumulang 500 katao ang nahawaan ng HIV, kabilang ang 40 kaso ng AIDS sa loob lang ng isang buwan noong 2014.
Aniya, naitala ng National Epidemiology Center ng DOH ang may 5,502 Pilipino ang positibo sa HIV/AIDS simula Enero hanggang Nobyembre 2014 habang 10 sa HIV patients ay namatay.
Idinagdag pa ni Lacierda na hindi nagkulang ang gobyerno sa paalala sa taumbayan dahil patuloy naman ang kampanya ng DOH kontra sa HIV/AIDS.