MANILA, Philippines – Hindi na si Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes ang magiging punong abala sa 2016 presidential polls.
Ito’y kasunod ng kanyang pagreretiro sa Pebrero 2 kasama ang dalawang commissioners ng Comelec na sina Lucenito Tagle at Elias Yusoph.
Kuntento naman ang 75-anyos na opisyal sa kanyang naging pagganap sa tungkulin, partikular sa 2013 midterm elections.
Aniya, naisagawa niya ang 2013 elections ng maayos at nalinis niya ang kanyang nasasakupan. Pakiusap lamang niya na maipagpatuloy ito ng papalit sa kanya.
Sa pagreretiro sa susunod sa buwan, may one-year ban si Brillantes sa election law practice. Pero pagsapit anya ng Pebrero 2016 bago ang presidential elections, balak niyang magbalik-trabaho bilang isa namang consultant ng kandidato.
Kung tatakbo sa pagka-pangulo si Sen. Grace Poe, “I’ll probably assist or help,” ani Brillantes. Naging abogado ni Fernando Poe Jr., ama ni Sen. Poe, si Brillantes noong 2004 at naging abogado rin ito ni PNoy noong 2010.
Sinabi pa ni Brillantes na bagama’t nakasalalay kay Pangulong Aquino ang desisyon kung sino ang itatalagang bagong chairman ng Comelec, mas pabor siya kung isang “babae, matapang at bata pa” ang hahalili sa kanya.
Sakaling konsultahin, irerekomenda niya si BIR Commissioner Kim Henares at Justice Sec. Leila de Lima.
Aniya naging election lawyer si de Lima kaya’t alam niya ang trabaho ng komisyon.
“Okay” din sa kanya ang ibang mga personalidad kabilang sina MMDA Chairman Francis Tolentino at LTFRB Chairperson Winston Ginez.