MANILA, Philippines – Hindi masusunod ang special request ni Pope Francis na maging payak lamang ang gagawing pagsalubong sa Santo Papa sa pagbisita nito sa Malacañang sa darating na Enero 16.
Kabilang sa request ni Pope Francis ay huwag siyang bigyan ng state banquet, arrival honors at wala na ring ‘review of troops’ sa Malacañang grounds pagdating nito sa Biyernes ng umaga (Enero 16).
Sinabi ng source, bilang head of state rin ng Vatican ay karapat-dapat lamang bigyan ng nararapat na protocol ang Santo Papa sa pagbisita nito sa Malacañang tulad ng arrival honors pero hindi na ito kakain sa Palasyo tulad ng request nito.
Magkakaroon din ng joint statement sina Pangulong Aquino at Pope Francis pagkatapos ng kanilang pag-uusap.
Ipagbabawal muna ang ‘passing through’ ng mga behikulo sa Palasyo simula alas-6 ng umaga sa Enero 16 dahil na rin sa pagdalaw ng Papa sa Palasyo bilang paghihigpit ng seguridad.
Samantala, nagpasya si PNoy na ito mismo ang sasalubong kay Pope Francis sa Enero 15 pagdating nito sa bansa at maghahatid din ito sa Papa sa pag-alis nito sa Enero 19.