MANILA, Philippines – Nakahanda ang pamunuan ng Maynilad Waters na utay-utayin ang pagsingil sa taas presyo ng tubig.
Sa press conference sa QC, sinabi ni Randolph Estrellado, hepe ng Finance department ng Maynilad, maaari nilang gawing staggered basis o utay-utay ang pagsingil sa taas presyo ng tubig mula sa kanilang 8.8 milyong water customers.
Binigyang diin ni Estrellado na maaari nilang hatiin sa loob ng tatlong taon ang taas singil ng Maynilad matapos na aprubahan ng arbitration panel ng MWSS ang kanilang hirit na P3.06 per cubic meter.
Gayunman, nilinaw nito na ang sistema sa pagsingil sa taas presyo ng tubig ay depende pa rin sa magiging approval ng MWSS board.
Sa kasalukuyan anya ay wala pa namang naitakdang araw ang board kung kailan maipatutupad ang water rate hike pero sigurado silang magaganap ito ngayong taon.