Takbo ng LRT gagawing 60/kph
MANILA, Philippines – Mula sa dating takbo na 40 kilometer per hour (kph) ay pabibilisin sa 60 kph ang biyahe ng Light Trail Transit (LRT).
Ito ang ipinangako kahapon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) kasunod ng pagtaas ng pamasahe ng LRT-1 at 2.
Ayon kay LRTA administrator Honorito Chaneco, sinimulan na nila ang instalasyon ng 1,300 piraso ng bagong riles sa 20-kilometer stretch ng train system at inaasahang matatapos ito sa Nobyembre.
Sa pamamagitan nito ay mas bibilis ang biyahe ng tren mula sa dating 40 kph ay magiging 60 kph na magreresulta sa mas maiksing biyahe at paghihintay sa kanilang mga pasahero.
Ayon kay Chaneco, ang P900 milyon na inaasahang kikitain mula sa pagtaas ng pasahe ay mapupunta sa pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga pasilidad ng LRT tulad ng tren, escalator at mga elevators nito.
Plano rin nilang bumili ng mga karagdagang bagon upang madagdagan ang kanilang may 90 gumaganang mga tren.
Ang pasahe mula sa Roosevelt hanggang Baclaran o vice versa ay nasa P30 na ngayon mula sa dating P15, habang ang pasahe mula sa Recto hanggang Santolan o vice versa ay P24 na.
Huling tinaasan ang pasahe sa LRT-1 noong 2003.
- Latest