MANILA, Philippines – Pag-aaralang mabuti ng Korte Suprema ang naihaing petisyon ng iba’t ibang militanteng grupo laban sa taas singil sa pasahe sa LRT at MRT.
Sa pahayag ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa ika-203rd birth anniversary kahapon ng bayaning si Melchora Aquino sa bantayog nito sa Quezon City, sinabi nito na hindi sila bast-basta makakapagdesisyon para sa hirit na temporary restraining order (TRO) hanggat hindi ito napag-aaralang mabuti.
Nitong Lunes ay nagprotesta ang iba’t ibang grupo sa MRT North Avenue station, QC at ibang mga lugar sa LRT station sa Maynila para kondenahin ang taas pasahe gayung anila’y wala pang magandang serbisyo na naipagkakaloob sa mga mananakay ang naturang transportasyon.
Sa kaparehong araw ay sumugod sa Korte Suprema ang mga militante sa pangunguna ng Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno, Riles Network at Damayan para igiit sa SC na magpalabas ng TRO na pipigil sa ginawang LRT at MRT fare nitong nagdaang weekend na umaabot sa halos P10.00.