MRT nagka-aberya

Sinabayan ng protesta ng grupong Akbayan ang pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT kahapon sa North Ave/ Edsa Station. (Kuha ni Boy Santos)

MANILA, Philippines – Ilang oras bago ipatupad ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang taas pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ay muling nagka-aberya ang biyahe ng MRT kamakalawa ng gabi.

Ang halos 15 minutong aberya sa MRT-Santolan station ay naranasan pasado ala-6:00 ng gabi nitong Sabado.

Sinabi ng isang security guard ng MRT na tu­mang­ging ihayag ang kanyang pangalan na nagkaroon ng sira ang isa sa mga bagon ng MRT hanggang sa
tumirik ito. Matapos ang 15-minuto ay sinasabing muli namang nagbalik sa normal ang operasyon ng MRT.

Ang pagkakaroon ng panibagong aberya sa MRT ay naranasan 10-oras bago ipatupad ang taas pasahe sa LRT at MRT kahapon ng umaga.

Una dito ay sinabi ni DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya na ang fare hike ay maghahatid ng magandang serbisyo sa lahat ng pasahero ng MRT at LRT.

Ani Abaya, ang pagpapairal ng P11.00 ‘base fare’ na may P1 kada kilometrong umento ay papalitan nila ng kaaya-aya at episyenteng pagbibiyahe  sakay ng MRT at LRT.

Mula sa dating P15 ay magiging P28 na ang maximum fare sa MRT-3; P30 naman sa LRT-1 mula sa dating P20 at P25 sa LRT-2 mula sa da­ting P15.

Ang P11.00 ‘base fare’ plus P1.00 per kilometer na formula ay sinimulang ipatupad kahapon ng umaga, alinsunod sa Department Order No. 2014-014 ng DOTC.

Show comments