RIYADH – Dalawang Pilipino ang kabilang umano sa 29 na teroristang inaresto ng mga awtoridad sa Saudi Arabia nitong linggong ito, ayon sa ulat ni Abdul Hannan Tago sa Arab News.
Ayon sa Arab News na kinumpirma kamakalawa ng isang local daily na makaraang makulong ang isang Malaysian expatriate sa Saudi Arabia dahil sa pagkakasangkot sa terorismo, dalawa pang terorista na umano’y mga Pilipino ang dinakip sa naturang bansa.
Hindi binanggit sa ulat ang pangalan ng dalawang suspek maliban sa pagsasabing ang mga ito ay mga Philippine passport holder.
Ikinagulat ng mga lider ng mga pamayanan ng Overseas Filipino Worker ang ulat. “Nakakabahala ang umano’y pagkakasangkot ng dalawang Philippine passport holder na kasama sa terrorist list ng Saudi Arabia,” pahayag ni Migrante-Middle East (M-ME) regional coordinator John Monterona.
Sinabi pa ni Monterona na, “Para sa amin, ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Saudi Arabia ay mga dayuhan na sumusunod sa mga batas ng bansang ito at narito sila para magtrabaho at suportahan ang kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas.”
“Hindi kami mag-aatubiling kondenahin ang mga sangkot sa terorismo sa KSA, sa Pilipinas man o ibang lugar,” dagdag niya.
Pero nanawagan si Monterona sa pamahalaang Pilipino, sa pamamagitan ng diplomatic post nito sa Riyadh, na beripikahin at kumpirmahin ang pagkakakilanlan sa dalawang Pilipino.
Sa yugtong ito anya, napakaaga pa para matiyak na mga Pilipino nga sila.
Sinasabi sa ulat na isinagawa kamakailan ng mga Saudi authorities ang isang linggong kampanya laban sa terorismo na nagresulta sa pagkakaaresto sa 29 na hinihinalang terorista na karamihan ay mga Saudi national.
Sa naturan ding kampanya, naaresto ang akusadong Pilipino, isa ring Saudi, isang Egyptian, isang Indian sa unang araw nito. Ang iba na pitong Saudi, isang Syrian, at isang Lebanese national ay nasakote sa sumunod na araw.
Sa pangatlong araw ng kampanya, nadakip ng mga awtoridad ang dalawa pang Saudi at sa pang-apat na araw ay nahuli ang isa pang Pilipino na kabilang sa limang akusado. Sa panglimang araw, nasakote naman ang tatlong Saudi.