MANILA, Philippines – Pumalo na sa 42 ang kumpirmadong biktima ng stray bullet kung saan 593 insidente ang naitala sa pagdiriwang ng Bagong Taon, ayon sa Philippine National Police (PNP) kahapon.
Ito’y higit na mas mataas kumpara sa naitalang 30 insidente noong nakalipas na taong 2013.
Kasabay nito, inutos naman ni PNP Officer in Charge P/Deputy Director General Leonardo Espina sa kaniyang mga tauhan na resolbahin ang kaso ng mga indiscriminate firing partikular na ang mga biktima ng stray bullets.
Ikinalaarma ni Espina ang pagtaas ng mga insidente ng stray bullet gayundin ng mga biktima ng ipinagbabawal na paputok na umaabot naman sa 593 kaso na nangyari sa kabila ng mahigpit na babala ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Health (DOH) na sinuportahan naman ng PNP.
Kinumpirma naman ng PNP ang pagkasawi sa stray bullet ng isang 11 anyos na batang babaeng si Jercy Decym Tabaday na tinamaan ng ligaw na bala sa pagdiriwang ng Bagong Taon sa Tayum Abra. Samantalang ang kaso naman ng Brgy. Tanod na si Edward Lagman, 28 anyos sa Maynila na tinamaan rin ng bala ay inaalam pa kung biktima ng stray bullet o ng pamamaril.