MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motoristang nag-renew ng registration sa kanilang mga sasakyan na kailangang mag-apply para sa pagpapalit ng lumang plaka para sa bagong standardized na plaka.
Ayon sa LTO, ang mga sasakyan lamang anya na mapapaso na para sa renewal ang pinapayagang mag-apply para sa pagpapalit ng mga plaka.
“Motor vehicles that have already renewed their registration for January 2015 shall have the option of applying for the replacement in the next registration year at any LTO district office or at any time prior to thereto by going back to the same LTO district office where the renewal of its registration was last effected,” sabi ng kagawaran.
Ang replacement ng plaka ay nagkakahalaga ng P450, dagdag pa na ang bagong standardized license plates at third plate sticker at plate locks ay maaaring ilabas sa loob ng 45 araw mula sa petsa ng renewal registration.
Dagdag ng LTO, ang mga registered owner ng sasakyan ang responsable para sa pagkakabit ng bagong standardized plates. Gayunman, ang attachment ng anumang unauthorized plate(s) o anumang aksesorya o device sa mga otorisadong sasakyang o anumang uri ng pagkakabit na makakahadlang sa kakayahang makita o kaya makapagpaliwanag sa otorisadong plaka ay ipinagbabawal.
Kaugnay nito, sabi pang LTO, hindi na kailangan pa ng mga motoristang isuko ang lumang lisensya, dahil ang bagong plaka ay katulad din ng plaka na may alphanumeric character. (Ricky Tulipat)