MANILA, Philippines - Dapat na ipakita muna ng gobyerno sa publiko ang magandang serbisyo ng Manila Railways Transit (MRT) at Light Rail Transt (LRT) 1 at 2 bago magtaas ng pasahe.
Ito ang iminungkahi ni Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian sa gobyerno para suspendihin muna ang implementasyon ng taas pasahe sa MRT gayundin sa LRT 1 at 2.
Paliwanag ni Gatchalian, ito ang pinakamahusay na paraan ng pagsisimula ng 2015 para sa pagsisilbi ng administrasyong Aquino sa kanyang mga boss sa pagsisimula ng 2015.
Giit pa ng kongresista dapat munang ipakitang maayos ang pasilidad at serbisyo ng MRT at LRT para makumbinsi ang mga pasahero na nararapat lamang ang fare hike.
Hindi umano makatwiran na papasan ng dagdag gastos ang publiko sa serbisyong madalas namang nadidiskaril dahil sa mga nasirang pasilidad ng MRT at LRT.
Ang taas pasahe ng MRT at LRT 1 at 2 ay uumpisahan nang ipatupad sa Enero 4 o araw ng Linggo. (Gemma Garcia)