36 katao patay sa bagyong Seniang

MANILA, Philippines - Umaabot sa mahigit 30 katao ang nasawi sa landslide at baha dulot ng malalakas na pag-ulan na ibinuhos ng bagyong Seniang na nataon sa pagsalubong sa Bagong Taon sa Visayas at Min­danao , ayon sa pinagsamang ulat ng mga opisyal kahapon.

Sa report  ni Supt. Renato Dugan, Spokesman ng Central Visayas Police nasawi ang 10 katao sa flashflood sa mga bayan ng Ronda at San Francisco, Cebu.

Ayon kay Dugan, anim katao ang nasawi matapos na anurin ng tubig baha ang kanilang mga tahanan sa Brgys. Poblacion, Palanas at Tupaz sa  Ronda, Cebu dakong alas-8:15 ng umaga kahapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Bienvenido Batomalaque, 58; Prudencia Ypanto, 89; Rancess Tampus, 5; Aaron  Camillo, 7; Paul Emerson Lim, 17 at Joan Bahinting, 8 anyos.

Nawawala naman ang mga biktimang sina Evelyn Bahinting, 40; Junjun Bahinting, 35; Juvelyn Bahinting, 10; Ace Faunillan, 2 buwang sanggol; Jean Bahinting, 5  at Joyce Bahinting, 3 taong gulang.

Nilamon rin ng mala­kas na agos ng tubig- baha ang pamilya Caday na kinilalang sina Leo­ning Caday, 50; Maribel Caday, 14; Jerly Caday, 11 taong gulang.

Narekober naman ng search and rescue team ang dalawa pang bangkay na sina Anabell Maribao Yap, 60, empleyado ng Sanggunian Bayan at isang alyas Pew-Pew, 35 taong gulang ng Brgy. Poblacion.

Sa bayan ng San Francisco, Cebu dalawa katao naman ang nasawi matapos na malunod, isa rito ay kinilalang si Joel Montalban Ostria, 30 taong gulang ng Brgy. Sta. Cruz na natagpuang lumulutang ang bangkay dakong alas-9 ng umaga kahapon.

Sinabi naman Office of Civil Defense (OCD) Region VIII Director Blanche Gobenciong, lima ang naitalang nasawi sa landslide sa Tanauan, Leyte bunga ng mga malalakas na pag-ulan simula pa nitong Lunes.

Ayon kay Gobenciong, tatlong matanda at dalawang bata ang namatay sa mudslide at rockslide na tumabon sa kanilang tahanan sa Brgy. Ambao at Brgy. Cabuynan; pa­wang sa bayan ng Ta­nauan kahapon dakong alas-2 ng madaling araw.

Ayon naman kay Catbalogan City Police Director P/Sr. Supt Carlito Abriz, 10 katao ang pina­ngangambahang nasawi matapos na  malibing ng buhay sa landslide sa Brgy. Mercedes sa nasabing lungsod  kahapon ng umaga.

Sinabi ni Abriz na sa 10 kataong natabunan ng gumuhong bundok apat pa lamang ang narere­kober ang bangkay at patuloy ang paghuhukay habang dalawa naman ang sugatang isinugod sa pagamutan.

Inireport naman ni Supt. Carlos Centinje, Police Community Relations sa Eastern Visayas Police na anim katao ang nalunod sa lalawigan ng Leyte, dalawa ay sa bayan ng Abuyog, dalawa sa Mahaplag at tig-isa sa bayan ng Baybay at Burauen. Samantalang dalawa rin ang nasawi sa pagkakakuryente, isa rito ay sa Dulag at isa naman sa Inopacan.

Sa ulat naman ng PRO-7, dalawa pa ang namatay matapos na makuryente sa Loon, Bohol na kinilalang sina  Archie Cambungay at Arjay Bredec at isa namang nalunod sa Alcantara, Cebu.

Samantalang 70 rin sa 54 barangay sa Tanauan, Leyte ang apektado ng mga pagbaha. Ang Tanauan ay isa sa mga bayang grabeng sinalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Napaulat rin ang pagbagsak ng Poblacion Bridge sa La Libertad, Negros Oriental sanhi ng ma­lakas na agos ng umapaw na tubig-baha sa ilog.

Sa ulat naman ng NDRRMC  isang kinila­lang si Mik Cipriano, 65 ng Brgy. Naboc, Monkayo, Compostela Valley ang nasawi matapos malunod kamakalawa. Isa rin ang nawawala sa Brgy. Poblacion, Compostela ng nasabing lalawigan na si Chris Retiza, 24 taong gulang na inanod ng malakas na pagragasa ng tubig-baha.

Sinabi ni NDRRMC Executive Director Alexander Pama na ang bagyong Seniang ay nakaapekto sa 5,529 pamilya o kabuuang 23,626 katao sa Regions VII, X, XI at CARAGA Region.

 

Show comments