Tulong ng barangay, hirit vs illegal firecrackers
MANILA, Philippines - Hindi lahat ng lugar ay mababantayan ng kapulisan laban sa mga gagamit ng ipinagbabawal na paputok o magpapaputok ng baril sa pagselebra ng Bagong Taon, kaya naman nanawagan si Quezon City Police District (QCPD) Director Police Senior Superintendent Joel D. Pagdilao sa mga opisyales ng barangay na tulungan sila sa kampanya para masugpo ito.
Ayon kay Pagdilao, inatasan na niya ang 12 police station commanders na makipag-ugnayan sa mga barangay officials para gumawa ng hakbang hindi lamang para mapigilan kundi madakip ang mga nagbebenta ng iligal na paputok at magpapaputok ng kanilang mga baril sa pagsalubong sa bagong taon.
Sabi ng opisyal, habang tinutukoy ng tropa ang mga nagbebenta ng iligal na paputok sa barangay, malaki rin anya ang maitutulong sa mga opisyales ng barangay na tukuyin ang mga lugar na tinaguriang firecraker zones sa pagdiriwang ng Bagong Taon.
Hinikayat din ni Pagdilao ang mga opisyales ng barangay at publiko na i-tip sa kanila kung sino sa mga residente ang nagpaputok ng baril sa naturang pagdiriwang.
Ang sinumang nagnanais, sabi pa ni Pagdilao na magsumbong ay maaaring tumawag o mag-report sa PNP Hotline 117 o QCPD Tactical Operations Center at cellphone # 0917-9416955 o landline: 925-8417 / 474-3106 o sa malapit na police station para sa agarang aksyon.
- Latest