MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na maaaring maharap sa kaso si DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya at ang mga mambabatas na hinayaang magkaroon ng double entry sa budget para sa rehabilitasyon ng Light Rail Transit (LRT).
Ito ay dahil nagpasok ng 997 million para sa LRT rehab sa 2015 at panibagong 997 million na LRT rehab sa supplemental budget.
Ayon kay Colmenares, tinanong niya sa DOTC kung ano pa ang pagkakagastusan sa kaparehong halaga para sa LRT rehab at kung bakit pinayagan ng dalawang kapulungan ang double entry sa budget.
Bukod dito may 11.109 B sa ilalim ng 2015 General Appropriations Act kaya lumalabas na ganoon kalaki ang perang inilalabas para sa MRT at LRT pero ipinapapasan pa rin sa taumbayan ang nakaambang taas pasahe na idinadahilan pa rin sa pagsasaayos ng railway system sa bansa.
Nadiskubre din nito na kaya palang maglabas ng budget ng gobyerno na 54B buyout sa MRT.
Ang ikinasasama pa umano ng loob ng mambabatas na lumalabas din na may 600 million kada buwan na ibabayad sa private concessionaire na kukuhain sa dagdag pasahe na ipapataw sa Enero.
Subalit aminado ang mambabatas na ang sweetheart deal na ito ay noon pang panahon ng nakaraang administrasyon na maaari naman sana umano itong gawan ng paraan ng kasalukuyang gobyerno.