PNoy mangunguna sa Rizal Day

MANILA, Philippines - Pangungunahan ngayong umaga ni Pangulong Benigno Aquino III ang flag raising ceremony sa Luneta Park sa paggunita sa ika-118 taong kamatayan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, mangunguna din si Pangulong Aquino sa pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat. Jose Rizal sa monumento nito sa Luneta Park.

Wika pa ni Sec. Lacierda, kikilalanin ang gi­nawang kabayanihan ni Dr. Rizal na naging inspirasyon ng bawat Filipino hanggang sa makamit ang kalayaan.

“Rizal served as our precedent for prodigious acts: He took upon himself to alleviate the despair of others and cast his stake for a tomorrow of peace and liberty,” ayon naman sa official statement ni Pangulong Aquino.

Nanawagan din si PNoy sa taumbayan na buhayin ang legacy ni Dr. Rizal at isabuhay ang sinimulan nitong pakikipaglaban tungo sa pagkakaisa ng mga Filipino.

Samantala, dadalo din mamayang hapon ang Pangulo sa kasal nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Cubao, Quezon City.

 

Show comments