MANILA, Philippines - Inaprubahan na ni Pangulong Benigno Aquino III ang karagdagang tax exemptions ng mga manggagawa, ayon kay PCOO Secretary Herminio Coloma Jr..
Sinabi ni Coloma na may karagdagang P10,000 tax exemptions ang mga manggagawa batay na rin sa rekomendasyon nina Labor Secretary Rosalinda Baldoz at Finance Secretary Cesar Purisima.
“Bunsod ito ng pagpapatibay ni Pangulong Aquino sa bagong patakaran hinggil sa karagdagang tax exemptions sa mga benepisyong ipinagkaloob sa mga manggagawa sa ilalim ng mga collective bargaining agreement (CBA) at productivity incentive schemes,” paliwanag pa ni Coloma.
Bunga anya ito ng tuloy-tuloy na pakikipagdiyalogo ni Pangulong Aquino sa mga organisasyon ng mga manggagawa nitong taong 2014.
Idinagdag niya na ipatutupad ang bagong patakaran sa Enero 2015 sa pamamagitan ng isang revenue regulation na ipapalabas ng BIR (Bureau of Internal Revenue).
Sinabi naman ni Purisima na ang dagdag na tax exemption sa mga tinaguriang ‘de minimis’ benefits ay makatwiran dahil sa milyon-milyong manggagawang mabibiyayaan nito. Sila ay kabilang sa mga may pinakamababang antas ng sahod sa hanay ng mga manggagawa.
Idinagdag pa ng kalihim na tinatayang aabot sa 104,225 pesos ang total na mga benepisyong magiging tax-exempted mula sa kasalukuyang 94,225 pesos. Sa kabilang banda, mababawasan ng halos 17-milyong piso ang hindi makokolektang buwis ng BIR mula sa dagdag na benepisyo.