MANILA, Philippines - Malamang umanong magkita at magpulong sina Pangulong Benigno Aquino III at ang lider komunistang si Jose Maria Sison kaugnay ng inaasahang pagbubukas muli ng usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng maka-Kaliwa.
Ito ang nahiwatigan sa pahayag kahapon ng Malakanyang kaugnay ng nadiskaril na negosasyong pangkapayapaan ng pamahalaan at ng National Democratic Front.
Ang NDF ang legal front organization ng Communist Party of The Philippines at ng armadong sangay nitong New People’s Army. Si Sison ang founding chairman ng CPP at consultant ng NDF sa usapang pangkapayapaan.
Iginiit ng Malacañang na maraming posibilidad na mangyari kaugnay sa muling pakikipag-usap ng gobyerno sa National Democratic Front (NDF) upang ituloy ang naudlot nilang usapang pangkapayapaan pero tumangging magkomento ito sa posibilidad na magpulong sina Pangulong Aquino at Sison.
Hindi nabanggit sa pahayag kung kailan at saan mag-uusap ang Punong Ehekutibo at ang lider ng mga rebeldeng komunista.
“Ayon kay Kalihim Teresita Quintos Deles, maraming posibilidad kung magiging bukas ang magkabilang panig at mapagkakasunduan ang muling pagbubukas ng pormal na negosasyon,” sabi ni PCOO Secretary Herminio Coloma Jr..
Naunang inihayag ni Sison na malaki ang posibilidad na makapag-usap sila ni Pangulong Aquino kaugnay ng nilulutong usapang pangkapayapaan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng NDF-CPP-NPA.
“Si Kalihim Teresita ‘Ging’ Deles, ang naatasan na magsagawa ng nararapat na hakbang upang itaguyod ang prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA-NDF (Communist Party of the Philippines—New People’s Army—National Democratic Front),” dagdag pa ni Coloma.