Nakolektang buwis ng QC, humigit sa P15 bilyon

MANILA, Philippines – Humigit na sa P15 Bilyon ang nakolek­tang buwis ng Quezon City government ngayong taon, tinayang pinakamalaking halaga ng nakolektang buwis ng lokal na pamahalaan sa nagdaang mga taon.

Ayon kay QC trea­surer Edgar Villanueva, bunga ng nakolektang buwis, umabot na ang budget surplus ng lungsod sa P15 hanggang P30 milyon ngayong taon at inaasahang tataas pa ito hanggang sa matapos ang Disyembre ng taong ito.

“Expected year-end collectibles for the city shall include payments for the 4th quarter deadline for the payment of real estate and amusement taxes” ayon kay Villanueva.

Anya, dagdag na P100 milyon pa ng buwis ang inaasahang makokolekta ng lungsod hanggang sa magtapos ang 2014.

Sinabi ni Villanueva na sa nakolektang buwis, ang business taxes ang nagbigay ng pinaka mataas na kolektang buwis sa lunsod  na umabot sa P6,630,498,833.36 o may taas na 13.30 percent o  P778,243,060.97 kung iku­kumpara noong 2013 sa kaparehong period.

Bunga nito, kaila­ngan na lamang ng QC na makakolekta ng P143,029,726.64  para matamo ang  business tax collection target na  P6,773,528,560.00 ngayong  2014.

Nakalikom naman ang city government ng P1,566,015,418.93 sa buwis sa real estate hanggang noong December 15.

Bukod sa business taxes, nakapagbigay din ang pagtaas sa kolektang buwis ng QC  mula sa ibang regulatory at miscellaneous fees.

Show comments