8 katao biktima ng stray bullet –PNP

MANILA, Philippines – Umaabot na sa walo katao ang biktima ng ligaw na  bala habang nasa lima namang katao ang nasakote sa indiscriminate fi­ring kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office, ang nasabing bilang ay naitala mula Disyembre 16 hanggang dakong alas-8 ng umaga nitong Disyembre 27 ng taong ito kaugnay ng Oplan Ligtas Paskuhan 2014 ng PNP.

Nasa 38 insidente rin ang naitala ng PNP ay kinabibilangan ng illegal discharge of firearms isa sa Police Regional Office (PRO) 1; isang security guard sa PRO3; dalawa sa PRO IVA, isa rito ay sibilyan at isang pulis habang sa NCRPO ay isa namang  pulis ang nasangkot.

Sinabi ni Mayor na walong insidente rin ng mga biktima ng stray bullet o tinamaan ng ligaw na bala, dalawa rito ay sa NCRPO; tatlo sa PROIVA, isa sa PRO VI at iba pa ay mula naman sa iba pang rehiyon.

Sa kasalukuyan, ayon pa kay Mayor ay nasa lima katao naman ang nasakote sa illegal na pagpapaputok ng baril.

Naitala naman sa mahigit 600 ang nasamsam na mga ipinagbabawal na paputok ng PNP sa serye ng operasyon sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Patuloy naman ang paalala ng PNP sa mamamayan na huwag gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok upang maiwasan ang disgrasya sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Idinagdag pa ng opisyal na hindi mangi­ngimi ang PNP na ares­tuhin ang sinumang mahuhuli sa akto na sangkot sa illegal discharge of firearm kaugnay ng determinadong hakbang ng pamahalaan para sa mapayapang pagsalubong sa pagpapalit ng taon.

Show comments