MANILA, Philippines – Dahil sa patuloy na maling ginagawa, handa naman ang mga abogado ng mga drug convicts na ipadisbar si Justice Secretary Leila de Lima.
Sa ginanap na press conference sa pangunguna ni Atty. Ferdinand Topacio, sinabi nito na hihilingin nila sa Integrated Bar of the Philippines na alisan ng lisensiya si De Lima dahil na rin sa pang-aabuso nito sa kanyang kapangyarihan.
Hindi umano ito naging patas nang hindi nito pasukin ang kubol at hindi kinuwestiyon ang pagko-concert ng isa pang convicted na si JB Sebastian.
Matatandaan na sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng DOJ, National Bureau of Investigation at Philippine Drug Enforcement Agency ang New Bilibid Prison noong Disyembre 15 kung saan nadiskubre ang mga mamahaling kagamitan at pera gayundin ang shabu mula sa 19 na convicts.
Sinabi naman ni Atty. Andres Manuel isa sa mga abogado ng convicted na si Amin Imam Boratong, hindi na tama ang pagbabawal ni De Lima na makita ang kanilang kliyente sa NBI. Paglabag umano ito sa karapatan ng mga preso.
Ito rin aniya ang dahilan ng kanilang pagsasampa ng petition for habeas corpus at data gayun din ang writ of amparo sa Korte Suprema.
Sinabi ni Topacio na may natatanggap na silang mga report na dumaranas ng pananakit at pagmamaltrato ang kanilang mga kliyente kaya’t nais nilang makita upang mapatunayan kung totoo ang alegasyon.
Tinawag din ni Topacio si De Lima na “may sira sa ulo dahil sa maling ginagawa nito”.