MANILA, Philippines - Apat katao ang inaresto ng pulisya kaugnay ng illegal discharge of firearms o walang habas na pagpapaputok ng baril habang nasa 420 bawal na paputok ang nasamsam kaugnay ng pagdiriwang ng kapaskuhan.
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, Chief ng PNP Public Information Office, ang nasabing bilang ng mga paglabag sa “Oplan Ligtas Paskuhan 2014 “ ay naitala ng PNP umpisa Disyembre 16 hanggang alas -5 ng hapon nitong Disyembre 25.
Ayon kay Mayor nasa 17 insidente ang nairekord ng PNP sa buong bansa kabilang ang iligal na pagpapaputok ng baril at mga ipinagbabawal na paputok na naglalaman ng higit sa 0.2 pulbura.
Binigyang diin ng opisyal na lalo pa nilang tututukan ang kampanya kontra indiscriminate firing, paggamit at pagbebenta ng iligal na paputok lalo na ngayong nalalapit na ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa National Capital Region, tatlong insidente naman ang naitala, dalawang kaso ng iligal na pagpapaputok ng baril at isang insidente ng stray bullet.
Patuloy ang monitoring ng PNP upang matiyak ang mapayapang pagsalubong sa pagpasok ng susunod na taon.
Nakatakda namang magsagawa ng pag-iinspeksyon ang PNP sa mga tindahan ng paputok sa Bocaue, Bulacan, ang tinaguriang ‘firecracker capital‘ ng bansa sa Disyembre 29.
Layon ng nasabing inspekyon na matiyak na sumusunod ang mga ito sa Republic Act 7183, An act regulating sale, manufacture, distribution and use of firecrackers at pyrotechnic devices.
Pangungunahan ng PNP Firearms and Explosive Office (FEO) ang iinspeksyon sa mga tindahan at pabrika ng paputok sa Bulacan.