MANILA, Philippines - Isang commercial residential na ginagawang imbakan ng electrical supplies ang naabo makaraang masunog sa hindi pa mabatid na kadahilanan sa lungsod Quezon sa araw ng Pasko.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, ang nasunog ay ang apat na palapag na gusali ng Supertop Trading Inc na matatagpuan sa E. Porto St., Brgy. San Francisco del Monte na pag aari ng isang Ramon Sy, 53.
Nagsimula ang sunog ganap na alas-5:55 ng umaga sa mezzanine sa ika-apat na palapag ng nasabing gusali.
Sinasabing ang naturang lugar ay ginagamit na imbakan ng mga electrical supplies na posibleng siyang pinagmulan ng sunog.
Umabot naman sa ika- apat na alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula ganap na alas-6:05 ng umaga. Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente.
Patuloy ang pagsisiyasat ng kagawaran sa sunog upang mabatid ang tunay na sanhi at halaga ng napinsalang ari-arian nito.
Samantala naging malungkot naman ang Pasko ng ilang pamilya sa Makati City makaraang sumiklab din ang sunog dito, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Makati City Fire Marshall Supt. Ricardo Perdigon, naganap ang insidente alas-2:25 ng madaling-araw sa Balagtas St., Brgy. West Rembo ng naturang lungsod.
Nag-umpisang kumalat ang apoy mula sa bahay ng isang nagngangalang Gloria Calimag. Dahil dikit-dikit, kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy na nagresulta upang maabo ang limang kabahayan.
Wala namang napaulat na nasaktan sa naturang insidente, habang iniimbestigahan pa kung ano ang dahilan nang pagsiklab ng apoy at magkanong halaga ang napinsala.
Alas-3:05 ng madaling-araw nang ideklarang kontrolado ang sitwasyon matapos maapula ang apoy nang rumispondeng mga bumbero.