Mas mahigpit na batas sa paggamit at pagbebenta ng paputok, isinulong

MANILA, Philippines - Napapanahon na umano para kumilos ang pamahalaan laban sa mga paputok na ikinukun­siderang panganib sa kaligtasan ng publiko.

Kasabay nito, inihain ni Valenzuela City Cong. Sherwin Gatchalian ang House Bill 4434 o Firecracker Regulation Act of 2014 na nagsusulong ng  mas mahigpit na probisyon sa paggamit at pagbebenta ng paputok.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na magkaroon ng pyrotechnic zones sa kanilang mga lugar para makaiwas sa sunog at iba pang pinsalang maaa­ring idulot nito.

Sakaling maging ganap na batas, oobligahin din ang mga dealer ng paputok na magsumite ng pangalan at address ng kanilang affiliates sa Philippine National Police’s Firearms and Explosive Office (PNP-FEO) sa pagkuha ng business permit.

Limang libong piso naman ang limitasyon sa kada single purchase ng kahit anong paputok o pyrotechnic device maliban sa mga may permit mula sa PNP-FEO.

Pagbabawalan din ang pagbebenta ng paputok sa mga wala pa sa edad 18-anyos,  habang ang mga bata naman ay dapat na babantayang mabuti ng magulang kung gagamit ng paputok at ang mabibigong gawin ito ay may multang sampung libong piso.

 

Show comments