MANILA, Philippines - Tiniyak ni Northern Police District (NPD) Director, Chief Supt. Jonathan Miano ang seguridad makaraang itaas ang full alert status ngayong Pasko.
Sa padalang mensahe ni Miano sa PSN, sinabi nito na nakaantabay ang lahat ng puwersa ngayon ng NPD, maging ang Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas Police Stations laban sa pag-atake ng mga kriminal na mananamantala sa “holiday rush”.
“Our status is full alert. Our primary concern is to ensure that criminals are denied of the opportunity to commit crimes and take advantage of the holiday rush,” ani Miano.
Sinabi nito na tututok ang kanilang foot at mobile patrols sa matataong lugar upang agad na mahingan ng saklolo ng mga biniktima ng mga kawatan. Partikular ito sa mga lugar ng pamilihan, department stores at maging sa mga simbahan para sa huling Simbang Gabi.
Palalakasin rin umano nila ang kampanya laban sa pagpapaputok ng baril sa bisperas ng Pasko partikular sa mga lugar na naging kontrobersyal noong mga nakaraang taon dahil sa mga tinamaan ng ligaw na bala tulad ng Tala at Bagong Silang sa Caloocan City.