MANILA, Philippines — Malaking bahagi ng bansa ang uulanin ang Pasko dahil sa cold front na umiiral sa Southern Luzon, habang northeast monsoon naman sa Northern Luzon, ayon sa state weather bureau ngayong Miyerkules.
Sinabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kaninang alas-5 ng umaga na makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan ang bansa sa susunod na 24 oras.
Magiging maulap ang kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Metro Manila at rehiyon ng Calabarzon, Eastern Visayas, Davao Soccsksargen maging ang lalawigan ng Mindoro, Romblon at Marinduque.
Mahinang pag-ulan ang inaasahan sa Cagayan valley, Cordillera at Central Luzon, habang pulu-pulong pag-ulan naman sa Ilocos region.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magiging bahagyang maulap hanggang sa maulap na may pulu-pulong mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog.