Veterans nilisan na ni CGMA
MANILA, Philippines – Nilisan na ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City ganap na alas 10:17 kahapon ng umaga.
Isang convoy ang naghatid kay Mrs. Arroyo sa kanyang tahanan sa La Vista, QC kung saan siya magdiriwang ng apat na araw na Christmas furlough na naibigay dito ng Sandiganbayan ngayong Pasko.
Si Ginang Arroyo ay sakay ng isang kulay puti na minibus na iniskortan ng motorcycle-riding police personnel at police vehicles.
Una nang pinayagan ng Sandiganbayan si Mrs Arroyo na magdiwang ng Pasko mula kahapon, December 23 ng alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon ng December 26 para makasama ang kanyang pamilya sa naturang okasyon.
Tanging for humanitarian reason lamang ang rason ng graft court sa ginawang pagpayag kay Arroyo na makalabas sa pagka-hospital arrest sa Veterans Hospital.
Si Arroyo ay nakulong dahil sa kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit sa P366 milyong intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nung siya pa ang Pangulo ng bansa.
- Latest