MANILA, Philippines -- Ito na ang tamang panahon upang taasan ang pamasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), ayon kay Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Jun Abaya.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Abaya na para rin sa ikagaganda ng serbisyo ng MRT at LRT ang pagtataas ng pamasahe sa Enero 4, 2015.
"Gagawin namin ang nararapat," wika ni Abaya sa dzMM. "'Yung long overdue upgrade and rehab ay gagawin natin."
Alam ng kalihim na marami ang kontra sa pagtaas ng pamasahe ngunit iginiit niyang matagal na dapat itong ipinatupad.
"This is the right thing to do. Alam ko marami kaming batikos na tatanggapin dito but it's about time."
Tanging temporary restraining order (TRO) lamang ang makakapigil sa pagtataas ng pamasahe, ngunit malabo itong mangyayari bago ang Enero 4 dahil bakasyon na ng mga korte.
Tiniyak naman ni Abaya na kung makakapaglabas ng TRO ang korte ay susundin nila ito.
Sa ipatutupad na taas pamasahe ay aabot na sa P28 ang pinakamahal na pamasahe sa MRT mula North Avenue hanggang Taft Avenue at pabalik, habang P30 na ang dulu-dulong biyahe sa LRT 1 mula Baclaram hanggang Roosevelt.
Aabot naman sa P25 ang biyahe ng LRT 2 mula Santolan station hanggang Recto station.