MANILA, Philippines - Magpapatupad ng re-routing scheme ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at asahang makakaranas ng matinding trapik ngayong araw na ito (Martes) dahil sa magaganap na parada para sa Metro Manila Film Festival.
Sa abiso ng Manila Police District na isinumite sa tanggapan ng MMDA kahapon, nabatid na simula ngayong araw ang northbound lane ng Roxas Boulevard mula P. Ocampo hanggang T.M. Kalaw ay isasara pagsapit ng ala-1:00 ng hapon.
Ang mga sasakyang magmumula sa southern part ng Maynila na dadaan ng northbound lane ng Roxas Boulevard ay kakanan ng P. Ocampo para makarating sa kanilang pupuntahan.
Yung mga sasakyan namang babagtas ng westbound lane ng kahabaan ng President Quirino Avenue papuntang Roxas Boulevard ay kakaliwa ng Adriatico, kakanan ng P. Ocampo at kakaliwa ng F.B. Harrison.
Ito ang ipatutupad ng re-routing sa bandang Maynila dahil nga sa gaganaping parada ng mga artista para sa Metro Manila Film Festival.
Asahang makakaranas ng pagsisikip ng trapiko sa mga lugar na apektado ng naturang parade, kung kaya’t payo ng MMDA sa mga motorista na umiwas dito para hindi maabala ang mga ito.