MANILA, Philippines - Iginiit ni Sen. Grace Poe na dapat ipagpaliban ang pagtataas-pasahe sa LRT at MRT habang hindi pa naisasaayos ang upgrading ng serbisyo nito.
Sinabi ni Sen. Poe, dapat ipagpaliban ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang nakatakdang taas-pasahe ngayong Enero 4, 2015 sa LRT at MRT.
“We must remember that a mass transport system such as the MRT is an essential government service. The fare increase is an added insult and an injustice to the suffering riding public whose very lives are put on the line everyday,” wika pa ni Sen. Poe.
Aniya, sa nakatakdang pirmahang 2015 General Appropriations Act (GAA) ni Pangulong Benigno Aquino III ay nakapaloob dito ang subsidy para sa MRT at LRT rehabilitation.
Ganito din ang pananaw ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III na dapat unahin muna ang improvement sa serbisyo ng MRT at LRT bago ito magtaas ng kanilang pamasahe.
“Nakakaawa mga kababayan natin. Sana upgrade muna nila bago magtaas ng singil,” giit pa ni Sen. Sotto.
Maging ang kaalyado ni Pangulong Aquino na si Sen. Koko Pimentel ay tutol din sa hindi makatwirang pagtataas ng pasahe sa nasabing mass transport system.
“Why such a gargantuan fare hike? Who is intending to recover what? A minimal symbolic fare increase can be justified to relay the message to the users that their travel is being subsidized by the government. Maybe 10 to 20 percent increase could be justified,” paliwanag pa ni Sen. Pimentel.