MANILA, Philippines - Pinasalamatan at pinapurihan ng liderato ng Kamara ang mga kongresista sa pagtatrabaho ng mga ito para maipasa ang mahahalagang panukalang batas.
Partikular na tinukoy ni House Speaker Sonny Belmonte ang pagpapatibay sa General Appropriations Act of 2015 o ang pambansang budget na nagkakahalaga ng P2.606 trillion.
Sinabi ni Speaker Belmonte, simula noong 2011 ay hindi na naulit ang re-enacted budget kaya naman naisasakaturapan ng gobyerno ang mga programa at proyekto nito para matiyak ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Mahalaga rin umano ang pag-apruba sa P22.4B supplemental budget para sa 2014 dahil kailangan ito para mapondohan sa lalong madaling panahon ang mga imprastraktura, socio-economic rehabilitation at reconstruction projects.
Inisa-isa pa ng Speaker ang mga nagawa ng mababang kapulungan para sa taong ito kabilang ang pagsasabatas ng MARINA Law, mandatory Philhealth coverage para sa mga senior citizen, pagbibigay ng scholarships para sa top graduates sa lahat ng public schools, free mobile disaster alerts, 13th month tax exemption at ang pag-apruba sa Joint Resolution 21 na nagbibigay ng emergency powers kay Pang. Aquino.