MANILA, Philippines - Pinayagan kahapon ng Sandiganbayan si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal- Arroyo na mag-Pasko kasama ang pamilya sa kanilang bahay sa La Vista village, Quezon City mula December 23-26.
Tanging si Mrs. Arroyo ang pinayagan ng anti-graft court na mag-Pasko kasama ang pamilya sa labas ng pagamutan matapos tanggihan ng Sandiganbayan ang hiling ni suspended Sen. Jinggoy Estrada na magpasko sa labas ng kulungan nito sa PNP.
“In the Spirit of the Yuletide season and for compassionate and humanitarian considerations..the court also noted that the granting of Ms. Arroyo’s request is in light of the forthcoming visit of Pope Francis, who is the personification of mercy and compassion” nakasaad sa naipalabas na resolusyon ng Sandiganbayan 1st division acting Chairman Associate Justice Rodolfo Ponferrada.
“Wherefore, the subject motion of accused-movant is partially granted and accused-movant is allowed to celebrate Christmas with her family...at her residence at No. 14 Badjao Street, La Vista, Quezon City,” nakasaad pa sa resolusyon.
Gayunman, nilinaw ng graft court na sa paglabas niya ng naturang pagamutan ay hindi ito maaaring magpa interview sa media at ang gastusin nito sa paglabas ay aakuin nito.
Si Mrs. Arroyo ay naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa kasong plunder may kinalaman sa umanoy maanomalyang paggastos sa P366 milyong pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) intelligence funds noong siya pa ang pangulo ng bansa. Sinabi naman ng Malacañang, susunod sila sa naging kautusan ng korte.
Ayon naman kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr., susundin ng Malacañang ang anumang utos ng korte kaugnay sa pagbibigay ng furlough kay Mrs. Arroyo.(May dagdag na ulat ni Rudy Andal)