MANILA, Philippines – Matapos ang pagsalakay ng Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine Drug Enforcement Agency sa New Bilibid Prison, nagmisa naman si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa loob ng NBP.
Ayon kay Tagle, kailangan ngayon ng mga tauhan at maging ng mga preso ng gabay upang maitama ang sistema para na rin sa pagbabago ng bilanggo.
Inihayag ni Tagle sa mga dumalong preso at kanilang mga pamilya na may pag-asa pa para sa mga bilanggo at maaari silang magbalik-loob sa Panginoon.
Nilinaw ni Tagle, walang kinalaman sa pulitika ang nasabing pagtitipon at nakagawian na niyang magdaos ng misa sa Bilibid bawat taon.
Isang preso ang nag-abot sa kardinal ng painting at nakiusap na ibigay ito sa Santo Papa sa pagbisita niya sa bansa sa Enero.
Dasal naman ng mga nakatatandang inmate na nakatakdang bigyan ng executive clemency na huwag sanang maapektuhan ng kontrobersya sa Bilibid ang kanilang mga kaso.
Tumambad sa raid sa maximum security compound noong Lunes ang mga kontrabando tulad ng baril, droga, cash, mga sex toy, isang jacuzzi, communications at entertainment equipment, mga alahas at iba pa.
Nagsagawa ng ikalawang raid nitong Biyernes kung saan giniba ang mga “villa” na itinayo ng mga drug lord at lider ng robbery gang.
Sinibak na sina NBP Supt. Roberto Rabo, NBP Deputy Supt. Celso Bravo at si Davao Penal Colony Supt. Venancio Tesoro sa gitna ng anomalya.
Binigyan din ni Justice Sec. Leila de Lima ang mga preso ng hanggang Disyembre 24 para isuko ang mga kontrabandong ikinukubli sa piitan.