MANILA, Philippines – Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang isang 35-anyos na pedicab driver nang sorpresahin siya ng saksak ng kaniyang girlfriend sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Bonifacio Almo, residente ng Malvar St.Tondo, Maynila dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.
Bunga nito, hinahanting na ng mga awtoridad ang suspek na kinilalang Meriam Cruz, alyas Lam, ng Brgy. 97, Zone 8, District 1.
Sa ulat ng Manila Police District-station 1, dakong alas-9:00 ng umaga nang mamataan ng suspek ang nobyo sa tindahan sa Velasquez St. Tondo, at nilapitan ito at walang sabi-sabing tinarakan ng saksak.
Hindi naman naiulat kung ano ang motibo sa pananaksak.