MANILA, Philippines - Umaabot na sa P5 bilyon ang iniwang pinsala ng bagyong Ruby sa mga hinagupit nitong lugar sa bansa.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, ito’y base sa patuloy na assessment sa mga iniwang pinsala ni Ruby sa Central at Southern Luzon, Western, Central at Eastern Visayas, Caraga at Metro Manila.
Ang bagyong Ruby ay naminsala sa bansa nitong Disyembre.
Samantala nasa 944,249 pamilya naman o 4,149,484 katao ang sinalanta at naapektuhan ng bagyo.
Sa nasabing bilang nasa 18,938 pamilya o 100,264 katao ang sinisilbihan sa loob at labas ng 327 evacuation centers.
Nanatili naman sa 18 katao ang inirekord ng NDRRMC na nasawi sa Ruby na mas mababa sa bilang na 27 na naitala ng National Red Cross habang nasa 916 ang mga nasugatan.
Nasa P5,090,265,426 bilyon kabilang ang P1,435,804,523 ang pinsala sa imprasktraktura at 3,654,460, 903 sa agrikultura.